[Pilipino] . [Hapon]




Nang gabing iyon ay may mga kababalaghang nangyari sa lugar na malapit kina Hikoichi. May pumatid sa isang mamang lasing na naghuhuramentado sa harap ng maraming tao, biglang nagusot ang buhok na nakaayos ng isang masungit na tindera.
Maya-maya ay nagtakbuhan ang mga tao nang makita nilang lumulutang sa hangin ang pusit sa isang tindahan, pagkuwa'y ang isada at mga gulay. Walang anu-ano'y nagsigawan ang mga tao nang makita nilang isa-isang nawawala ang mga tindang kakanin na para bang ito'y kinakain ng taong di nakikita.
Ang may kagagawan ng lahat ng ito ay walang iba kundi si Hikoichi na nakasuot ng mahiwagang alampay. Nang pagod na ay umuwi na ito at dahil sa kabusugan sa bayan ay hindi na kumain ng hapunan, isinabit lamang ang alampay sa kamalig at natulog na sa kanyang silid. Nakatulog ito ng mahimbing at nanaginip pa ng iba't-ibang kapilyuhan.
Mataas na ang araw ng magising si Hikoichi. Hindi pa naghihilamos ay pumunta na sa kamalig upang tingnan ang alampay. Ngunit laking gulat niya ng makitang malinis ang kamalig at wala doon ang alampay.
"Obasaaan!!!!" Ang malakas na tawag ni Hikoichi sa kanyang lola na noon ay nagsusunog ng mga tuyong dahon sa bakuran at tamang-tamang inihahagis nito sa apoy ang marumi ngunit mahiwagang alampay. Mabilis na nagliyab at natupok ang alampay bago pa ito masaklot ng mga kamay ng pilyong bata.
Walang nagawa si Hikoichi subalit muli itong nakaisip ng kapilyuhan. Inipon ang abo ng alampay at hinubad ang suot na damit. Pagkuwa'y ipinahid ang abo sa buo niyang katawan, at tunay nga na ang bawat mapahiran ng abo ay nagiging imbisibol.
"Talagang matalino ako!" ang puri sa sarili at tumakbo na sa bayan.


BACK .. NEXT



Copyright 1996 (C)KUMUSTA-MAGAZINE. All rigths reserved.
Send suggestions/comments to kumusta@jp.interramp.com