[Pilipino] . [Hapon]




Noong unang panahon ay may isang matalino subalit pilyong batang lalaki na ang pangalan ay Hikoichi. Nang panahong iyon ay madalas ikuwento ng mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol kay Tengu na nakatira sa bundok.Si Tengu raw ay madalas magsanay ng "kendo", (Japanese fencing na gumagamit ng sable sa pakikipaglaban). Ayon pa rin sa kuwento, si Tengu ay may mahiwagang alampay na yari sa dayami at kapag suot niya ito ay di siya nakikita, kaya't madalas na marinig sa bundok ang tinig ni Tengu na nagsasanay ng "kendo" ngunit hindi siya nakikita.
Mula nang marinig ni Hikoichi ang kuwentong ito ay pinangarap na niya na mapasakanya ang mahiwagang alampay, at isang araw ay ipinasya niyang umakyat sa bundok dala ang kinayas na kawayan na may dalawang talampakan ang haba. Sa bundok ay narinig niya ang boses ni tengu na nagsasanay ngunit hindi niya ito nakikita "ei,ei, et! ei, ei ettt!!"
"Narito siya" ang bulong ni Hikoichi at nagsimula nang sumilip sa kanyang kawayan. "Nakikita ko ang kapital!" maya-maya ay bumaling sa kabilang panig at..."O, nakikita ko ang Tokyo!" at halos pasigaw at paulit-ulit na winika ito.
Huminto ang ingay ng pagsasanay at narinig ang kaluskos ng mga dahon tanda ng bumababa si Tengu mula sa puno. Nagsalita ito sa tabi ni Hikoichi, "Ano ang ginagawa mo Hikoichi, ano yang hawak mo?, pahiram nga?"
Mabilis na tumanggi si Hikoichi, Hindi ko ito puwedeng ipahiram sa iyo dahil hindi kita nakikita, ito ay isang espesyal na teleskopyo..."
"O, sige magpapakita ako sa iyo." dahil sa pagnanasang masilip kaagad ang teleskopyo ay mabilis na hinubad ni Tengu ang alampay.
Nakita ni Hikoichi si Tengu. Naku! mapula ang mukha nito, matulis ang mahabang ilong at lubhang kinatatakutan ng mga bata! Sa totoo ay natatakot si Hikoichi ngunit muli itong tumanggi at muling sumilip sa kanyang teleskopyo, "O nakikita ko ang Kyoto, nagsasayawan sila... may naglalaro ng sumo!"
Di na mapigilan ni Tengu ang pananabik, o, sige ipahihiram ko sa iyo ang aking mahiwagang alampay kapalit ng iyong teleskopyo.
"Sandali lang ha!"
"Oo, oo."
Nagpalitan ang dalawa at mabilis na isinuot ni Hikoichi ang alampay at biglang naglaho. Si Tengu naman ay pilit na sumisilip sa teleskopyo. Nakita niya ang bundok, bumaling siya sa kaliwa at nakita niya ang langit. Walang kakaibang nakikita.
"Hikoichi, sira itong teleskopyo mo , wala akong nakikita, ibalik mo ang aking mahiwagang alampay!"
Samantala, si Hikoichi ay bumababa na sa bundok papunta sa bayan. "Ang galing nito dahil walang nakakakita sa akin!"



BACK .. NEXT



Copyright 1996 (C)KUMUSTA-MAGAZINE. All rigths reserved.
Send suggestions/comments to kumusta@jp.interramp.com