[Pilipino].[Hapon]

Maximo Klaw Jr. TITLE LOGO
Pangangalaga ng Kalikasan at Katutubong Kultura

Maximo Kalaw Jr.

Haribon Foundation for the Conservation of Natural Resources

Upang higit pang maitaguyod ang pakikipag-ugnayan sa iba't-ibang bansa sa Asia ay itinatag ang Japan Foundation Asia Center sa Tokyo. Pinasinayaan ito noong Nobyembre 1995 kasabay ng pagdaraos ng International Symposium na dinaluhan ng mga panauhin mula sa iba't-ibang bansa, kabilang si Mr. Maximo Kalaw Jr., mula sa Pilipinas.


Ang pangalan ng Haribon Foundation ay nagmula sa salitang Haring Ibon, o ang Philippine Eagle. Ito ang pinakaluma at malaking environmental group sa Pilipinas na nag-umpisa noon pang 1972. Nagsimula ito bilang "Bird Watching Society" at mayroon pang miyembrong dayuhan noon. Noong 1978, itinuon ng Haribon Foundation ang mga gawain sa pangangalaga ng halos nalilipol nang uri ng agila sa Pilipinas, ganoon din ang tamaraw at ng mga lugar na maaaring tirhan ng mga ito.

Sa kasalukuyan, ang Haribon Foundation ay aktibo sa pagtuturo sa mga komunidad ng mga pamamaraan kung paanong mapapangalagaan ang karagatan. Ang mga barangay sa baybaying dagat ay tinuturuan kung papaanong mapag-iingatan ang mga coral. Mahalaga ang pag-aalaga ng kagubatan at karagatan at sa aming paniniwala ang mga ito ay lubos na mapapangalaan ng mga taong malapit at nabubuhay sa pamamagitan nito. Bumubuo kami ng mga mungkahing inilalapit sa Kongreso ukol sa mga batas sa pangangalaga ng kalikasan, at gumagawa rin kami ng mga pamamaran upang maituro ang "Zero Waste Disposal" sa mga kumunidad, o ang pagre-recycle ng mga basura sa halip na itapon ito at makapagparumi sa kapaligiran.

Nauuso ngayon ang eco- tourism na ang ibig sabihin ay tourism na ang base ng attraction ay ang pagtatamasa ng kalikasan.
Pero hindi masyadong napagtutuunan ng pansin na ang daloy ng buhay sa isang ecosystem ay mayroong limitasyon.
Hindi puwedeng sobra-sobra kaparis ng nangyari ngayon sa Boracay, sobra na ang populasyon doon ngayon pero kulang ang maayos na sewage disposal system, at ito ay isang malaking problema.
Isang konsepto ng eco-tourism ay ang pangangalaga sa kalikasan at gayun din sa kultura. Ang ibang bahagi ng turismo, kung minsan ay nakakasira sa kabuhayan ng mga taga-roon at sa halip ay puro dayuhan lamang ang nakikinabang.
Kailangan maging balanse ang mga ito nang sa gayon ay parehong manatili.

Upang maiwasan ang nangyaring problema sa Boracay, tinutulungan namin ngayon ang mga lugar sa Palawan, kabilang ang maliliit na marine reserve. Gumagawa kami ng mga pag-aaral kung hanggang saan ang kaya at nagmumungkahi kami ng mga batas na dapat ipatupad sa nasabing mga lugar.

Isa pang mahalaga at dapat igalang ang mga katutubong Pilipino sapagkat sila ang mga nakakaalam kung papaanong makipag-ugnay sa kalikasan.
Sila ang mga primary community at yun ang dapat bigyan ng pansin sa halip na tawagin silang minority. Sila ang unang dapat bigyan ng karapatan sa mga lupain ng kanilang mga ninuno. Sa kanila lang tayo matututo kung papaano talaga mag-alaga ng kalikasan. Sabi nga ng isang Lumad sa Mindanao "alam ninyo ang problema sa kalikasan ay nag-umpisa nung dumating ang banyagang paniwala,." Inilagay daw natin ang Diyos sa itaas, sa langit na lubhang mataas at hindi na natin makita sa mga puno, sa batis, sa ilog, at sa kapwa natin. Kaya kung hindi natin babalikan, na banal ang kalikasan, hindi natin malulutas ang mga problema.

Sampung taon na akong retirado sa business at ngayon ay boluntaryo na lamang ako sa NGO, dumarating ang pagkakataong nakakabagot ang negosyo.
Sinimulan ko ang pagpasok sa NGO sa pamamagitan ng pagtatag ng sarili kong maliit na pondo. Sa mga ganitong gawain mahalaga ang maging malaya.
Sa ngayon naisasagawa ko ang aking mga boluntaryong gawain dahil walang nagbabayad sa akin na maaaring makapigil sa mga proyekto ng aming samahan.
At sa aking trabaho ngayon, ibinabalik ko lamang ang mga naibigay ng lipunan sa akin noong ako ay nasa business pa.
Sa parte ng Kalingga ay mayroong kasabihan na ang isang taong may tatlong kalabaw ay itinuturing na mayaman kung maibabahagi niya ito sa lipunan.
Ngunit ang isang taong may sampung kalabaw na sinasarili lamang ang mga ito, ay maituturing na isang sakim at hindi mayaman. Ito ang tunay na kahulugan ng kayamanan at ganoon din ng serbisyo.Hindi mo kailangan ang sobrang salapi kung ang nais mo lamang ay isang bahay o isang sasakyan. Kung hindi ka maghahangad ng sobra-sobra maku-kontento ka rin sa mga gawaing pagsisilbi lamang sa lipunan.

KUMUSTA: Ano naman po ang inyong maipapayo sa mga mambabasa nating Pilipino at Hapon na pangkaraniwan ng suliranin ang pagkakaiba ng kultura?

Mr. KALAW: Hindi lamang dapat bigyang halaga ang sariling kultura ngunit ganoon din ang kultura ng iyong kasama.Nangangailangan ito ng mas malalim na pang-unawa at pagbibigay. Hindi na dapat pag-awayan ang mga personal na pag-uugaling naiiba sa iyo, sa halip pahalagahan na lamang ang mga bahagi ng kulturang mahalaga para sa inyong pagsasama o sa inyong kabuhayan.
Para naman sa mga mambabasang businessmen, nais kong ipaalala na ang pamumuhunan sa ibang bansa ay katumbas ng pamumuhunan sa mga tao at kultura doon. Ito lamang ang paraan upang maging matagumpay ang isang negosyo. Ang paglalaan ng "social capital" at "cultural capital". Ang problema sa ibang businessman ay hindi nila pinahahalagahan ang kultura at mga tao ng ibang bansa. Ang ekonomiya lamang ang kanilang pinagtutuunan ng pansin at kung minsan ito ay mapanganib sa kultura at sa mga tao. Nararapat na malaman nila kung ano ang karapatdapat sa Pilipinas na makapagpapaunlad din sa kultura at kalikasan. Magbibigay ito ng mas malaking pakinabang hindi lamang sa kanilang negosyo kundi pati na rin sa bansang kanilang dinarayo.

Profile

Nagtapos si Mr. Kalaw ng AB Enonomics sa Ateneo de Manila at M.B.A. sa New York University. Isa siyang matagumpay na businessman sa Pilipinas na humawak ng matataas na posisyon sa malalaking kompanya tulad ng Coliraya Realty, Liberty Flour Mills at Bank of Asia. Sa kasalukuyan, siya ang presidente ng Haribon Foundation na tumataguyod sa pangagalaga ng kalikasan at katutubong kultura.


Copyright 1996 (C)KUMUSTA-MAGAZINE. All rigths reserved.
Send suggestions/comments to kumusta@jp.interramp.com