[Pilipino].[Hapon]

special
MGA PANGARAP AT MITHIIN SA TAONG 1996


Nais makibahagi ng Kumusta Magazine sa mga pangarap at mithiin ng mga mambabasa. Mula sa iba't-ibang lugar ay napakinggan natin ang mga pangarap na may mensahe. Maliliit at malalaking pangarap. Hangad naming nawa'y matupad ang ang mga ito, at sana'y magkaroon tayo ng panibagong pag-asa at lakas na harapin ang 1996 at bumuo ng mga bagong pangarap at mithiin para sa darating pang mga taon.


Pangarap ng Kyomure family (Tokyo)

Ayon kay lola Virginia Trinidad: "dahil ako ay nalungkot sa pagkamatay ng asawa ko, ay pumunta ako dito sa bahay ng anak ko sa Japan. Ang pangarap ko ay mabuting kalusugan para sa buong pamilya at wala ng iba."
Para naman sa anak niyang si Marie: "Ang pangarap ng asawa ko ay supurtahan ang mga batang hindi nakakapag-aral sa Pilipinas. Nagsimula na kami sa gawaing ito mula sa mga anak ng aming kamag-anak. Ngunit gusto rin niyang matulungan ang iba pang kabataan. Para sa akin naman, pangarap kong maging doctor noon, at ang pangarap na ito ay taglay ko pa rin, para naman sa mga anak ko."
Dalawa ang anak ni Marie, si Hiroki (4), at si Yoshiaki (2), ngunit ayon kay Hiroki: "Gusto kong maging operator ng Nozumi Shinkansen (bullet train) paglaki ko."
Paano kaya ito, Marie, mukhang hindi tipo ni Hiroki ang mag-doktor? "May pag-asa pa dahil hindi pa tiyak ang ambisyon ng bunso ko."


Roselle Sasaki (Sendai)

Pangarap kong lumaki ang anak kong maipagmamalaki bilang anak ng Pilipino at Hapon. Katulad halimbawa ni Emy Watanabe na nakilala sa mundo bilang sikat na "figure skater" at taglay niya at ipinagmamalaki ang pagiging Pilipino at Hapon. Lalaki ang anak ko at mahilig din siya sa sports.


Maging Barangay chaiman pagkatapos na maging Filipino Citizen
Yuki at Delia Murayama
(Mandalauyong, Metro Manila)

Pinaghahandaan ko na ang pagpapalit ng citizenship na maging Pilipino sa 1996 at kumadidato sa general election sa 1998. Kung mananalo ako, ang pangarap ko ay makapagbigay ng opening speech sa isang fiesta at sa pagdiriwang ng Mahal na araw.


Matsui Yayori Presidente ng Asian Women Research Center, Japan

Kare-retiro ko lang sa Asahi Newspaper at dahil naging freelance journalist na ako ngayon, ang pangarap ko ay makapanirahan sa Pilipinas. Kung maaari, makapag-lecture ng 2 o 3 beses sa isang linggo, tungkol sa Asian Women's issue o tungkol sa relasyon ng Japan at Pilipinas sa ilang pamantasan doon. Pangarap ko ring mabisita at makapanayam ang mga kababaihan sa Pilipinas para sa nais kong isulat na aklat tungkol sa kasaysayan at kilusan ng mga kababaihan sa Pilipinas. Isa pa, gusto ko ring alagaan ang aking pagod nang katawan bilang journalist sa loob ng 33 taon. Pangarap kong makapag-relax sa isang magandang beach doon.


San Miguel sa "no man's island"
Hirahaya Tsutomo, Photographer

May mahigit na 7,000 isla ang Pilipinas at halos kalahati nito ay walang naninirahan. Ang aking pangarap ay mahiga, nag-iisa sa beach sa isa sa mga islang ito. "Mainit!, mainit!" magbasa ng aklat at makipaglaro sa pagong, at magiging perpekto kung mayroong San Miguel beer doon!
Hirahaya Tsutomo, Photographer


Yari na ang Daycare Center!

Sa wakas ay naitayo na ang isang maliit na daycare center. It o ay nasa isang maliit na barangay malapit sa Laguna Bay. Mahigit 20 mga bata na may maningning mga mata ang dumating. Nakabihis lahat, ngayon ay opening celebration party.
Ang mga bundok sa paligid ng lawa ay kalbo na dahil sa mga "Japanese shosha" (companies) na namimili ng kahit anong bagay. Tuwing darating ang bagyo o malakas na ulan, dumadaloy ang putik sa Laguna Bay. Napapahinga ng malalim ang mga mangingisda dahil humihina ang kanilang huli. Ang mga ina ay kinakailangan ring magtrabaho kahit part time dahil sa hirap ng buhay, kaya't pinakakahihintay nila ang daycare center para sa kanilang mga anak.
Tatlong taon na ang nakalipas mula nang maitatag ang Asian Citizen's Friendship Association na ang pangarap ay makapagtayo ng isang daycare center na ganito. Nangangalap kami ng pondo sa pamamagitan ng mga bazaar at "yatai" (kainan) sa mga festival, ngunit dahil sa mga donasyon ng mga tao sa baranggay na ito ay napabilis ang pagbubukas ng daycare center. 2 ang Pilipinang guro at isang Haponesa. Kaming mag-asawa ay nag-uusap na balang araw ay mapalitan ang dinding na kawayan ng mas matibay kahit dumating ang bagyo.
Ang pangarap namin ay makadalo sa pagbubukas ng daycare center na ito kung matutupad man. (Yokoyama Fumio at Belinda


Koike Akira Chief Editor ng KAIBIGAN at Diving Instructor

Ang karagatan sa Pilipinas ay nabibilang sa limang pinakamamaganda sa buong mundo. Pangarap kong maibahagi ang kagandahan nito sa mga tao sa buong mundo at siyempre sa mga Pilipino, at makapagtayo ng "the best" na diving resort na magbibigay ng katamtamang presyo, perpektong pasilidad at serbisyo. Ano kaya kung tulungang matupad ang aking pangarap ng mga mayamang-mayamang tao riyan!


Makibahagi sa pangarap ng mga kabataang Pilipino

Mino Yoshitaka (Ibaraki-ken)

Mithiin kong ang ating maliliit na tulong sa mga batang Pilipno ay makapagpalaki sa kanilang mga pangarap o makapagbibigay ng pag-asa. Ang mga pangarap ng mga kabataan sa Pilipinas ang siya ko ring mga pangarap.


Paru-paro mula sa Pilipinas para sa buong mundo
Tadayoshi Matui(tokyo)

Ang paru-paro sa Pilipinas ay malalaki at pambihira. Ang pangarap ko ay magparami ng mga paru-parong ito at maibahagi sa buong mundo. Para dito, kailangang pag-aralan ang ecology at pagkain ng mga paru-parong ito. Nais kong magtayo ng "butterfly research center" sa isang probinsiya sa Pilipinas, at mas mainam kung ito ay mauuwi sa isang negosyong mapagkakakitaan.


National Baseball Team na lalaban sa Olympic
Takano Makoto, Yokohama

Mula sa aking karanasan sa pagtuturo ng baseball sa Pilipinas, nakita ko ang malaking kakayahanng mga Pilipino sa larong ito, at higit silang magiging mahusay kung mapapaunlad ang kapaligirang makapagbibigay sa kanila ng "concentration" sa paglalaro. Sa ginanap na unang Asian baseball tournament noong 1954, ang Pilipinas ang unang nag-champion, at sa kasalukuyan ang Pilipinas ay nagsasanay na mabuti para sa Asian Tournament sa 1997. Sana'y suportahan sila ng lahat at ang pangarap kong magkaroon ng baseball team ang Pilipinas na makakalahok maging sa Olympic Games.


Encarnacion Yoshida (Osaka)

Marami akong anak, isa dito sa Japan at tatlo sa Pilipinas. Nag-aaral sila doon, pero kahit makapamasyal lang, pangarap kong madala sila dito.
Pag-pumapasok na school itong anak ko, siguro matutupad na ang isa pang pangarap kong makapagtrabaho din.
Malungkot ako ngayon kasi wala akong gaanong nakakausap na mga Pilipino. Pinagbawalan ako ng asawa ko dahil dalawang beses na akong niloko ng Pilipina dito. Sayang, masarap sana kung uma-attend ng party at nakikisalamuha sa mga kababayan. Maaaring pangarap din ito, na sana man lang pag nandito tayo sa ibang bansa, iwasan natin yung masasamang ugali lalo na yung panloloko, at kahit hindi gaanong magkakakilala, magturingan tayong parang magkakapatid at tunay na magkakaibigan.
Sa ngayon nabubuhos ang atensiyon ko sa pagtawag sa telepono. Makausap ko lang ang mga kamag-anak ko sa Pilipinas ay maligayang-maligaya na ako. Umaabot minsan ng \50,000 ang aming tel. bill, at ganoon din dito sa Japan, may makausap lang akong Pilipino ay hindi na maipaliwanag ang kasayahan ko.
Pinakamalaking mithiin ko na bumuti uli ang pagtingin ng asawa ko sa mga kaibigan kong Pilipino.


Delia Haga (Suginami-ku, Tokyo)

Pangarap naming mag-asawa na tumira sa Pilipinas, pag nakaipon ng pera ay makabili ng bahay doon at magkaroon ng negosyo. Para sa mga Hapon, nakakainip din ang buhay dito na puro na lang trabaho, samantalang sa atin, mas nakakapahinga, kaya gusto rin ng asawa ko roon.
Maganda ang pagsasamahan naming magkakapatid sa Pilipinas, at pangarap kong huwag sana itong masisira o pag-awayan pa naming mag-asawa. Tinitiyak kong hindi umaasa sa akin ang pamilya ko sa Pilipinas. Hindi naman tutol ang asawa ko na tulungan ko sila, bigyan sila ng pera, basta't yung kaya lang namin. May mga insidenteng pinag-aawayan ng mag-asawang Pilipino at Hapon ang pagbibigay ng pera sa Pilipinas at ito ang iniiwasan ko. Nakataya ang kaligayahan ko dito kaya ipinaliliwanag ko sa amin na, "oo mayaman ang bansang Hapon pero hindi ang mga tao dito".


Louella Shoji (Akita)

Pangarap kong sana magkaroon kami palaging mag-asawa ng lakas ng loob sa pagpapalaki sa aming anak o mga anak, na may pananalig at takot sa Diyos at pagmamahal sa kapwa.
Sa dami ng mga news tungkol sa suicide dahil sa "ijime" (naaapi), pinapangarap ko rin na sana magising na ang mga Hapon sa katotohanan na ang "ijime" ay isang malaking bagay na dapat pagtuunan ng pansin, at ito'y nangangailangan ng kooperasyon at suporta mula sa Ministry of Education, sa paaralan, sa komunidad at sa pamilya.


Teresita Uemura (Kagoshima)

Sa ngayon ay wala akong malaking pinapangarap sa buhay. Kuntento naman ako sa pagsasama naming mag-asawa. Pero kung matatawag na isang pangarap na rin, hinihiling-hiling ko lang na sana mas maging malawak pa ang pang-unawa at pagtanggap ng mga Hapon sa mga dayuhan. Dito sa amin ay probinsiyang-probinsiya pa at minsan ay madarama ang pagiging sarado at makaluma ng mga tao. Minsan ang asawa ko mismo ay nakakarinig ng di magagandang usapan dahil "gaijin" (dayuhan) daw ang asawa. Sana, mawala ito at tanggapin ang mga dayuhan bilang isa sa kanila, dito na rin kasi tayo nakatira.
Pangarap ko ring magkaroon ng matatawag kong sarili kong lugar at sariling negosyo. Maliliit pa ang mga anak ko at alam kong marami pa akong bubuuing mga pangarap para sa kanila


Amelia Iriarte Kohno
President, The Philippine Ladies Association in Japan (Kansai Chapter)

Ang pangarap ko ay sana umunlad pa ang kabuhayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kaalaman na ang tunay na kayamanan ay nasa ating kapaligiran lamang, at hindi na natin kinakailangang magpunta pa sa malayong lugar upang magkaroon ng maunlad na kabuhayan.
Kung ako'y babalik sa ating bansang Pilipinas, gusto kong ibahagi sa ating mga kababayan ang aking mga natutunan, lalung-lalo na ang mga kabataan sa pamamagitan ng gagawin kong "training Centers". Doon nila makukuha ang sapat na kaalaman tungkol sa "small scale business" at "cottage industries" na gagamit ng sariling (local) yaman (resources) mula sa ating bayan. Halimbawa, hindi na kailangang bumili ng mamahaling gamot kung gagamit tayo ng herbal o halamang gamot.


Emma Okamura (Yokohama)
Ngayon ay buntis na ako at manganganak sa Enero.

Masaya ako dahil sa papadating naming panganay, kaya nga lamang ay hindi sang-ayon ang mga biyenan ko na Pilipina ang napangasawa ng kanilang anak. Pangarap kong sana ay matanggap na rin nila ako sa pamilya. Dinadasal-dasal kong pag isinilang na ang aming anak ay magbago na rin sila. Nakakalungkot ito pero nabubuhay ang aking pag-asa tuwing makikita ko ang kabaitan ng aking asawa at ipinagtatanggol niya ako. Gusto ko sanang sa Pilipinas manganak dahil naroon ang aking mga magulang na kahit papaano ay makakaramay ko, kaya lang gusto ng asawa kong makita agad ang anak namin at maalagaan na rin ako. Pangarap ko para sa anak ko na sana, maging malusog siya, laging "genki" (masigla) at maging "atama ga ii" (matalino).


Taniguchi Youzou at virginia (Pasay City)

Pangarap kong makabili ng lote na malapit sa airport at makapagtayo ng tulad ng lumang libingan ng Emperor. Ito ang aming magiging "family graveyard" at magiging tourist spot na rin. Ngunit sa tong 1996, hangad ko ang mabuting kalusugan para sa aking pamilya at kalimutan ang pangarap na malayo sa katotohanan.


Sudo Akira at Jonalyn (Paranaque, Metro Manila)

Ang pangarap namin ay makapagtayo ng eskuwelahan sa Pilipinas. Isang "job training school" na may mababang tuition fee para sa mga walang trabaho, at magtuturo sa mga professional ng teknolohiya hanggang sila'y maging eksperto. Matamis na pangarap ngunit hindi pa namin iniisip kung paano at gaano kahirap ang pagsasakatuparan.


Bilang isang doktor

Isa sa pangarap ko ay makapagtayo nang retirement home na may mabuting pangangalaga sa kalusugan ng mga maninirahan dito. Sa Japan, bukod sa mahal ang suweldo ay mahirap kumuha ng nars na mag-aalaga sa matatanda, kaya't ang pangarap kong ito ay ibabaling ko sa bansa ng asawa kong Pilipina. Sa Pilipinas, mapapangalagaan ka ng lubos ng mababait na Pilipino, kaya't para sa may gustong manirahan sa Pilipinas, bumuo tayo ng pondo at itayo ang pasilidad na ito upang makapanirahan doon matapos nating magretiro sa ating mga trabaho.


Manirahan sa isang palasyo sa Boracay
Ohba Yasuhiro at Marilyn (Quezon City)

Pagkatapos na magtagumapay ang pangarap kong trading business sa Pilipinas, magpapatayo ako ng marangyang palasyo na may swimming pool at tennis court sa sikat na Resort sa buong mundo, sa Boracay Island, at siyempre tumira doon buong taon kasama ang aking pamilya.


Mangingisdang di mahusay manghuli
Shirasaki Hiroshi (Kawasaki City)

Medyo nakakatawa ang aking pangarap na, maging mangingisda na hindi mahusay manghuli ngunit may malaking pangarap, tulad ng kuwento ng "Old man and the Sea" ni Hemmingway. Kahit ang huli ko ay sapat lamang sa pamilya at hindi makahuli ng malaking isda, lagi sa isip ko na balang araw, makahuli rin ng malaking isda. Ngunit sa aking pangkaraniwang buhay hindi ko kailangan ang "romantic dream" na ganito, basta't may karagatan lamang sa paligid ko ay sapat na. Ito ang pangarap na nakuha ko sa Pilipinas, na masarap kahit nasa isip lamang.


"Wala akong ibang pangarap kundi ang nobya ko"
ponnpoko(Yokohama City)

Hindi ko gaanong kilala ang Pilipinas kaya't wala akong espesyal na pangarap dito.Ngunit may pangarap na bigay sa akin ang Pilipinas at ito ay aking "fiancee" na si Emelita. Siya ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon at lakas. Siya rin ang nagturo sa akin ng pagtitiwala at paghihinala. Wala akong ibang pangarap kundi siya, ngayon at sa hinaharap.


Maraming pangarap ang bawat isa. Iba't-iba. Nariyan ang mga "romatnic dream" at mga pangarap na nagnanais ng papabago at makatotohanan. Para sa mga nais tumulong na matupad ang mga pangarap na ito, maaaring kontakin ang KUMUSTA Magazine. Maraming salamat sa pakikiisa ng lahat. Nais ipaabot ng buong ''staff''' ng KUMUSTA MAGAZINE ang taos pusong pasasalamat sa lahat ng nag- padala ng kanilang mga pangarap at mithiin sa buhay. Dalangin namin ang katuparan nito.

. Maraming salamat at mabuhay


Copyright 1996 (C)KUMUSTA-MAGAZINE. All rigths reserved.
Send suggestions/comments to kumusta@jp.interramp.com