[Pilipino].[Hapon]
Family
Pagdalaw kina Hideo at Alona Shibata

Shibata Family(Sumida-ku Tokyoj
Shibata Family

Dalawang taong gulang na ang kaisa-isang anak nina Hideo at Alona na pinangalanang Aiko,mula sa paboritong artista ng nanay ni Alona na si Aiko Melendez. Sikat sa Pilipinas at anak din ng Pilipino at Hapon. "Fan" din ng mistisang artista ang mag-asawang Shibata at nais nilang matulad ang kanilang anak sa Aikong paborito nila na may masayahin at masiglang pag-uugali.

Na-in love agad si Hideo kay Alona sa unang pagkikita nila sa Maynila. Nagkita sila sa cafeteria na ang nagta-trabaho ay pawang pipi at bingi na siya ring pinagta-trabahunan ni Alona.

Si Hideo ay ipinanganak sa Sugunami-ku, Tokyo. Nang sanggol pa'y dinapuan ng napaka-taas na lagnat na naging sanhi ng pagkasira ng kanyang pandinig. Silang dalawa ni alona ay parehong pipi at bingi ngunit hindi ito hadlang upang sila ay namumuhay ng maligaya sa bansang bago lamang kay Alona.

Naisagawa ang interview ng KUMUSTA sa tulong ng interpreter na si Fujii-san ng Sumida-ku.

"Nakakarinig ang anak kong si Aiko at ito lang talaga ang ipinag-aalala ko noon" ayon kay Hideo na talaga namang kitang-kita ang lubos na kasiyahan sa kanayang mukha. "Papa!"

Ipinaliwanang ni Fujii-san sa mag-asawa sa pamamagitan ng sign language na nagsasalita si Aiko. Talagang masaya ang mag-asawa tuwing magsasalita ang kanilang anak. Nobyembre noong isang taon nang dumating si Alona sa Japan at upang masanay si Aiko-chan sa kapaligirang nakakarinig ng salita ay ipinasya nilang kahit isang taon pa lamang ay ipinasok na ito sa malapit na kindergarten.
Si Alona ay nagtatrabaho sa malapit na pagawaan ng damit.
Si Hideo naman ay nagtatrabaho sa isang printing company.

"Lagi kaming abala dahil may bata, bago ako magtrabaho sa umaga ay inihahatid ko muna ng bisikleta si Ako sa eskuwela" ang paliwanag ni alona at inisa-isa ang mga pinagkakaabalahan niya buong araw na walang ipinagkaiba sa tipikal na maybahay.

Magkaiba pala ang sign language sa Pilipinas at Japan. Ipinaliwanag ng mag-asawa na ang sign language ng Pilipinas ay nagmula sa Amerika at iba raw ito sa Japanese "shuwa".

"Pero nang imbitahin ko siya para kumain, ang senyas ng: tayong dalawa, kumain, sumakay ng taxi sa Japanese sign language ay naintindihan ni Alona", at ito ang kanyang unang imbitasyon.

"Nang una kaming magkita, sabi ng mga katrabaho ko ay mag-ingat ako sa Hapon. Nakakatakot daw ang Hapon, sabi nila, pero nabaitan ako kay Hideo. Kaiba siya sa sinasabi nila. "

Nagsimulang mag-date ang dalawa at nagsulatan ng maraming ulit at saka nagpasyang magpakasal. Nagparoo't-parito si Hideo ng halos apat na beses sa isang taon, para daw madaling makakuha ng visa si Alona. Sa Panig ng Japan kung hindi raw madalas magkita ang magkasintahan ay hindi agad pinaniniwalaan na totoo nga ang relasyon.

Hindi malilimutan ni Alona ang unang pagkikita nina Hideo at ng mga magulang niya sa Pilipinas. Pamanhikan ang kaugalian ng paghingi sa kamay ng dalaga. "Nang oras na iyon, makalipas ang 30 minuto ay pumayag na ang nanay ko. Sabi niya ay mabuting Hapon ang tingin niya kay Hideo. Masayang-masaya ako at napaiyak ako noon."

Sa ngayon ay puspusang pinag-aaralan din ni Alona ang Japanese sign language. Para sa kanya, sa Japan na siya maninirahan dahil narito na ang kanyang pamilya.

Sa susunod na Winter pangarap ni Alona na maranasan ang lamig ng "snow". Unang pagkakataon ito para sa mag-ina, at ito ay tiyak na sa mga plano ni Hideo, magbibiyahe sila sa lugar na may "snow".

Hindi nalalayo ang Pilipinas sa mag-asawa, maraming palamuti sa bahay nila na mula sa Pilipinas. Kahilera rin ang San Miguel beer ng mga alak at imported brandy na souvenir sa kanilang paglalakbay. May koleksiyong ng Tagalog video si Hideo at naiintindihan niya ang palabas kahit di niya naririnig ang salita, at bawat aklat tungkol sa Pilipinas na lumalabas sa Japan ay binibili niya.

Ano kaya ang unang nakaakit kay Hideo sa Maynila?

"Ang ganda ng ngiti ng mga taga-roon. Mula noon pa mahal ko na ang Pilipinas at siyempre si Alona."

At para sa anak, ipinaliwanag ni Fujii-san ang hangad ng dalawa.

"Sana maging interpreter si Aiko-chan, ito ang pangarap namin. Na matutunan niya ang sign language ng Pilipinas at Japan, ang pagsasalita ng English, Filipino at Japanese."

The End


Copyright 1996 (C)KUMUSTA-MAGAZINE. All rigths reserved.
Send suggestions/comments to kumusta@jp.interramp.com